Libreng serbisyo sa pagpapaprint, libreng istasyon ng pagpuno ng tubig, at tulong pinansyal sa mga estudyanteng karapat-dapat na makatanggap—iyan ang mga pangunahing programa ng Supreme Student Council (SSC), ang pinakamataas na konsehong pang-estudyante sa pamantasan. Sa pamumuno ni Reevo Atkins Doria na pangulo ng konseho, kaniyang ipinahayag ang layunin at proseso ng pagsasagawa ng mga programang ito. Subalit para sa 30,000 na mag-aaral ng PHINMA University of Pangasinan (UPang) at sa katulad kong estudyante na mataas ang ekspektasyon sa konseho, tila kulang at komplikado ang programang kanilang ilulunsad, malayo sa konsehong inaasahan kong may programang matutugunan ang mas malalaking problema sa unibersidad.
Una, napakaraming estudyante ng pamantasan dahilan kung bakit napakahaba rin ng pila sa kahit saang istasyon ng pagpapaprint at pagpapa-xerox. Bilang isang mag-aaral sa programang nursing, kinakailangan kong mag-print ng napakaraming kopya para sa aming return demonstrations at hospital duty. Doon pa lang sa dumadagsang numero ng estudyante ng UPang, mahihirapan ang konseho sa pagsasagawa ng libreng serbisyo sa pagpapaprint at maaaring maging limitado ito kung pagbabasehan sa kanilang kagamitan. Sa isang eksklusibong panayam kay pangulong Doria, plano ng konseho na ilunsad ang libreng pagpapaprint sa simula pa lamang ng unang semestre ngunit hinihintay pa nila dumating ang biniling printer kasabay ng iba pa nilang gamit pang-opisina. Ayon pa sa kanya, bukas ang opisina ng SSC basta mayroong magdu-duty kaya mapaglilingkuran nilang lahat ng magpapaprint o magpapa-photocopy, basta mayroon din silang sapat na kagamitan sa panahong iyon. Plano rin nilang gumawa ng Google Form para kung sakaling mayroong maagang magpapaprint o kukunin na lamang sa opisina ay mas magiging madali ito para sa mga estudyante. Nakadidismayang isipin na walang kasiguraduhan na lahat ng estudyante ay mararanasan ang serbisyong ito.
Ikalawa, hindi lingid sa kaalaman ng karamihan na ipinagbabawal na ang anumang klase ng plastik sa loob ng pamantasan kaya nagkaroon ng mga istasyon ng pagpuno ng tubig kung saan ang isang baso ay nagkakahalaga ng bente pesos. Sinabihan din ang mga estudyante na magdala ng kani-kanilang sariling lalagyan ng tubig para makatipid sa pagbili. Isa ito sa layunin ng SSC kaya naisipan nila ang pagsulong ng programang libreng istasyon ng pagpuno ng tubig. Sa aking pananaw, magiging malabo ang pagsasagawa nito dahil sa dami ng estudyante maaaring magkaubusan depende na lamang sa kung ilang istasyon ang itatayo. Base sa panayam kay pangulong Doria, nabanggit niyang makikipag-ugnayan ang SSC sa General Services Department at sa Finance Office kung paano ito isasagawa dahil sa ngayon wala pa silang binibigay na malinaw na payo kung paano ito ipatupad. Kung ako ang tatanungin, tila hindi rin masyadong napaghandaan ang pagpaplano sa mga proyektong ito sapagkat hanggang ngayon ay hindi sigurado ang konseho sa magiging takbo o paglulunsad nito. Bagaman maganda ang layunin nila sa pagsulong ng mga proyektong ito ay wala pa ring kasiguraduhan na magiging maayos ang pagsasakatuparan nito lalo na kung sa pagpaplano pa lang at sa timeline ng pagsasagawa ay dehado na at palpak.
Ikatlo, prayoridad ng konseho ang pagbibigay ng tulong pinansyal kung saan ang makatatanggap lamang ay ang mga estudyanteng kwalipikado sa proseso ng aplikasyon, pagpasa ng mga kinakailangan na papeles, at pagsasagawa ng panayam kung karapat-dapat ito. Nakaeengganyo ang proyektong ito ng konseho dahil para sa katulad kong estudyante na umaabot sa 53,000 ang bayarin sa isang semestre ngayong nasa ikatlong taon na ako ng kolehiyo ay malaking ginhawa na ito sa akin. Mayroon mang Hawak Kamay scholarship at iba pang tulong pinansyal ay hindi pa rin sapat para matustusan ang lumulobong matrikula. Inilahad ni pangulong Doria sa panayam na maisasagawa ang programang tulong pinansyal pagsapit ng ikalawa at ikatlong termino ng semestre dahil matagal ang proseso nito. Gayunpaman, hindi lahat ng estudyante ay makatatanggap ng tulong pinansyal dahil nakadepende ito sa badyet na ibibigay sa konseho. Ipinahayag niya na kung hindi man nabigyan ay ire-refer sila sa ibang scholarships na ino-offer ng pamantasan kagaya na lamang ng TES. Sa pagsasakatuparan ng programang ito, nawa’y maging tapat at malinaw ang konseho sa magiging proseso ng pagpili ng mga estudyanteng mabibigyan ng tulong pinansyal.
Nabanggit ng SSC na lagi nilang pinaniniwalaan ang kasabihan na quality over quantity at mayroon silang adhikain pero paano ang mga estudyante na hindi makatatanggap ng serbisyong ipinangako sa kanila? Pasensya na lamang dahil ito lang ang kinaya? Bilang isang lider estudyante rin, hindi nararapat para sa mga estudyante na maranasan ang kararampot na serbisyo lamang. Bawat mag-aaral ay mayroong karapatang maranasan ang ginhawang kanilang inaasam at mangyayari lamang iyon kung ginagawa ng bawat konseho ang kanilang trabaho at responsibilidad.
Maganda ang layunin ng SSC pero hindi sapat ang maganda lang. Kailangan dito ng pagiging matapang—tapang na harapin ang mas malalaking problema ng pamantasan, at tapang na magpatupad ng programang may malinaw na plano at tunay na epekto. Bilang pinakamataas na konsehong pang-estudyante, tungkulin ng SSC na tiyaking ang bawat programang kanilang ilulunsad ay maayos ang implementasyon, at kapaki-pakinabang. Hindi tayo bumoto para lamang gumawa sila ng programang may baluktot na sistema at masabing may nagawa na.
Sa kabuuan, bagama't kapuri-puri ang layunin ng SSC na magbigay ng libreng serbisyo sa pagpapaprint, libreng istasyon ng pagpuno ng tubig, at tulong pinansyal sa mga kwalipikadong estudyante, nananatiling kapansin-pansin ang kakulangan sa kahandaan, malinaw na plano, at kasiguraduhan sa pagpapatupad ng mga programang ito. Dahil dito, nananatiling malayo ang mga programang ito sa inaasahan ng maraming estudyanteng naghahangad ng mga proyektong tutugon sa mas malalaking suliranin ng pamantasan. Kailangan natin ng konsehong may paninindigan, sariling desisyon, at pangil sa paglilingkod.
Ikaw bilang estudyante, ano ang masasabi mo sa mga programang ito?
Comments (0)
Log in to post a comment.
No comments yet. Be the first to comment!
Edit Comment