Layas, Imperyalista!

Layas, Imperyalista!

Star Save

Binubuo ang Pilipinas ng 7,641 na mga pulo na nagtataglay ng napakaraming likas na yaman, gayundin ng malalawak na lupain na nagsisilbing tahanan at kabuhayan ng milyun-milyong Pilipino, ayon sa opisyal na tala ng National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA). Subalit sa patuloy na pag-usbong ng makabagong teknolohiya, unti-unting nalalagay sa panganib ang mga yamang ito. Isa sa mga kinahaharap na usapin ang pagtatayo ng mga pisikal na pasilidad na may kaugnayan sa Pax Silica o Artificial Intelligence (AI) hub. Sa likod ng pangakong teknolohikal na pagsulong, unti-unti nitong niyuyurakan ang lupang nagsisilbing kanlungan ng mga Pilipino.

Walang lugar ang mga trapo sa Pilipinas

Una, ang Pax Silica ay isang estratehikong inisyatiba ng Estados Unidos sa ilalim ng administrasyon ni Donald Trump na isa sa mga pangunahing usapin ng kilos-protesta sa 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit, ang pinakamataas na katawan sa paggawa ng polisiya o patakaran. Ito’y naglalayong bumuo ng mas matatag na pandaigdigang supply chain para sa mga mahahalagang materyales, semiconductor, at teknolohiyang nagpapatakbo sa AI. Sa madaling salita, hindi lamang simpleng pagtatayo ng mga pabrika ang pinag-uusapan dito; nakataya rin ang kapangyarihang pang-ekonomiya at teknolohikal ng mga bansang kasangkot. Sa Pilipinas, iminungkahi ang pagtatayo ng isang industriyal at teknolohikal na hub sa New Clark City, Capas, Tarlac, na sumasaklaw sa humigit-kumulang 1,619 na ektarya.

Sa pagdalo ni Donald Trump sa 49th ASEAN Summit, hindi man lalagdaan sa mismong kaganapan ang tungkol sa Pax Silica ay inaasahang magkakaroon ng hiwalay na pagpupulong upang mas mapag-usapan ito. Bagaman, walang pormal na anunsyo ang Estados Unidos ukol sa Pax Silica sa ASEAN Summit ay mapipirmahan pa rin ito bago matapos ang taon. Sa likod ng mga kasunduang ipinipilit isulong ng mga higanteng kompanya, nararapat suriin kung kaninong interes ang tunay na pinaglilingkuran.

Hindi dapat maging daan ang ASEAN Summit upang maisantabi ang kapakanan ng mga mamamayan kapalit ng mga kasunduang maaaring magpalawak sa impluwensiya ng mga dayuhang kapangyarihan. Ang Pilipinas ay hindi pag-aari ng mga trapo, hindi laruan ng mga imperyalista, at lalong hindi lupang maaaring ipagbili kapalit ng kanilang interes.

Tinapakang karapatan ng mga nasa laylayan

Ikalawa, ayon sa mga lokal na balita, 92 magsasaka o pamilya ang naiulat na direktang apektado at nanganganib na mapalayas sa Brgy. O’Donnell, Capas, Tarlac. Samantala, tinatayang aabot sa 35,000 katao, kabilang ang mga katutubo, magsasaka, at lokal na residente, ang nanganganib na mawalan ng tahanan at kabuhayan dahil sa itatayong industrial hub sa New Clark City, Tarlac. Bukod pa rito, nagpahayag din ng pagtutol ang libo-libong mangingisda sa mga baybayin ng Luzon dahil sa posibleng epekto ng proyekto sa kanilang kabuhayan.

Hindi maaaring tawaging kaunlaran ang proyektong nagtataboy sa mga magsasaka mula sa kanilang sakahan, nagbabanta sa lupang ninuno ng mga katutubo, at naglalagay sa kabuhayan ng mga mangingisda sa bingit ng pagkawala. Hindi kaunlaran ang pagtatayong nakasalalay sa pagpapalayas at pagsasakripisyo sa mga nasa laylayan.

Bagkus, nagiging daan ito upang higit pang palawakin ang kapangyarihang pang-ekonomiya, pampolitika, at militar ng imperyalismong Estados Unidos habang ang karaniwang mamamayan ang sumasalo sa bigat ng kapalit nito. Hindi ito ang kaunlarang ninanais at kinabukasang ipinaglalaban naming mga kabataan. Hindi kami ang inyong kolateral; hindi dapat maging kapalit ng inyong kapangyarihan ang lupang pinaghirapan, kabuhayang ipinundar, at kinabukasang ipinaglalaban ng mamamayang Pilipino.

Dayuhan sa sariling bayan

Ikatlo, ang Pax Silica ay pinangangambahan na magdudulot ng kakulangan sa kuryente sa bansa. Inaasahang aabot sa 3 gigawatt (GW) ang kuryenteng kakailanganin ng industrial hub na ito. Ang pangangailangan na ito ay katumbas ng humigit-kumulang 16% ng buong kapasidad ng Luzon Electrical Grid. Dahil sa napakataas na konsumo ng mga AI data center at server, maaari itong magdulot ng mas malimit na brownout, pagkaubos ng reserba ng kuryente, at posibleng pagtaas ng singil sa kuryente para sa mga ordinaryong konsyumer.

Ayon sa pag-aaral at mga pagdinig sa Kongreso, ang proyekto ay tinatayang mangangailangan din ng 65 milyon hanggang 130 milyon litro ng tubig bawat araw para mapatakbo ang mga pasilidad at palamigin ang mga AI data center. Lalo nitong pagpapasidhihin ang krisis sa tubig, lalo na tuwing panahon ng El Niño, at maaaring maagawan ang mga lokal na komunidad at sakahan sa rehiyon. Inilalahad sa mga ulat na ang tubig na kakailanganin ay posibleng kunin sa mga kalapit na anyong-tubig tulad ng Bangut, O'Donnell, at Abacan Rivers, na maaaring makaapekto sa ekosistema.

Sa halip na palakasin ang ugnayang panlabas at sumunod sa interes ng mga makapangyarihang bansa, dapat unahin ng pamahalaan ang kapakanan ng sarili nitong mamamayan. Hindi dapat maging dayuhan ang Pilipino sa sarili niyang bayan—pinagkakaitan ng likas na yaman, pinagkakaitan ng batayang pangangailangan, at isinasantabi sa sariling lupain.

Maaaring igiit na kailangan ng Pilipinas ang mga dayuhang pamumuhunan upang makasabay sa pandaigdigang pag-unlad at mapalakas ang ekonomiya. Ngunit anong saysay ng pag-unlad kung sariling mamamayan ang nagdurusa? Ang tunay na kalaban ay inuuna ang interes ng dayuhan habang isinasakripisyo ang karapatan, kabuhayan, at kinabukasan ng Pilipino.

Dapat unahin ng pamahalaan ang pambansang interes sa pamamagitan ng mahigpit na pagsusuri sa mga kasunduang panlabas, pagprotekta sa karapatan at kabuhayan ng mga maaapektuhang komunidad, at pagtitiyak na hindi mauubos ang likas na yaman.

Patuloy na makikibaka para sa bayang malaya.

Comments (0)

Log in to post a comment.

No comments yet. Be the first to comment!


Latest Articles

MOST READ ARTICLES
CAHS welcomes board exam passers, topnotchers with grand motorcade October 07, 2026 By Ruth Angela L. Diaz
Millions down the drain August 23, 2026 By Bea Andrea Jimenez
WHERE THE FLOOD MONEY GOES August 21, 2026 By The Students' Herald
ALL ROADS LEAD BACK TO FLOODING August 22, 2026 By Adriane Paul Galvez Soriano
CAS officers assembly sets sail to strengthen student leadership October 11, 2026 By Jerelle L. Tomelden
𝗧𝗶 𝗠𝗮𝘂𝗱𝗶 𝗮 𝗕𝗮𝗹𝗶𝗸𝗮𝘀 August 29, 2026 By MARUJA T. CABRITO
Footer

Tell Us What You Think

We’d love to hear your thoughts, feedback, or suggestions.