Ang sabi ni Itay, mangarap lang kami—siya na ang bahalang uminda sa mga unos gaano man karami. Mga unos na siya lamang ang dumaramdam, mga unos na ibinabaon upang siya lang ang makaalam.
Habang kami’y payapang nangangarap sa himig ng gabi, siya’y nakikipagsagupaan sa hagupit na kapalarang para sa kaniya’y inihabi. Ang sabi niya’y mangarap lang kami, tinago ang katotohanang may pangarap din siyang isinantabi.
Mga pangarap na minsan niya ring hiniling bilang musmos, mga pangarap na pinili niyang tangayin muna ng agos.
"Mahirap po ba, 'Tay?"
Ngiti lamang ang natanggap ko.
At sa katahimikang iyon, mas marami akong narinig kaysa sa anumang sagot.
Hindi siya isang bantayog na dinarayo’t pinipilahan, maging isang tala na natatangi ang kaliwanagan. Bagkus, siya ang ugat ng aming tahanan, isang haligi na nagpapatibay sa inaasam na kinabukasan.
Sa bawat kulubot sa kaniyang noo na iginuhit ng kapalaran, sa bawat pilak na hibla ng buhok na pinagdaanan na ng panahon, at sa mga kalyo mula sa bigat na siya ang pumasan—narito kami sa kaniyang kanlungan.
Kaya kung tatanungin man kung ano ang tunay na kahulugan ng tahanan, hindi mo ito mahahanap sa anumang bahagi ng kabahayan. Makikita mo ito sa pusong nagbibigay nang walang alinlangan—
sa dibdib ni Itay na habang-buhay kong kanlungan.
Comments (0)
Log in to post a comment.
No comments yet. Be the first to comment!
Edit Comment