Nakalalasong Katatagan

Nakalalasong Katatagan

Star Save

Halos 42,000 katao na ang apektado ng pinagsamang epekto ng mga bagyong Luis at Maymay at ng pinalakas na Hanging Habagat, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong ika-5 ng Agosto 2026 na ulat ng GMA. Samantala, kabuuang 4,298 pamilya, o 16,214 indibidwal, mula sa 31 na mga barangay sa apat na munisipalidad at isang lungsod sa Pangasinan ang naapektuhan ng nasabing sama ng panahon. Katulad ng nakasanayan, hindi na bago para sa mga mamamayan na maranasan ang labis na pagbaha dahil para sa kanila, normal na lamang na dumaan sa ganitong pangyayari—ang maramdaman ang hagupit ng bagyo, at bumawi mula sa pagkalunod. Ngunit kailangan nang tibagin ang kaugalian ng mga Pilipino na masanay sa epekto ng kalamidad at hukayin ang totoong ugat ng ilang ulit na pagkalugmok sa panahon ng sakuna.


Para umpisahan, higit sa ₱545 bilyon ang inilaan na pondo para sa mga proyekto sa pagkontrol ng baha. Mahigit ₱800 milyon mula sa ₱20 bilyong halaga ng mga iligal na nakuhang ari-arian na may kaugnayan sa mga maanomalyang proyekto sa flood control ang naibalik na sa pamahalaan, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong ika-27 ng Hulyo 2026 sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA). Bilang isang estudyante, nakadidismayang masaksihan ang bansang may bulok na sistema dahil sa dinarami-rami ng mga politikong kurakot hindi lamang sa mga namamahala sa Malacañang kung hindi pati ang ibang mga pinuno sa lokal na pamahalaan ay hanggang ngayon pinoproseso pa rin ang kanilang pagkakakulong. Tunay ngang may pangil ang batas dahil kahit papaano unti-unti nang nasisiwalat ang katotohanan, ngunit hanggang kailan? Kapag ba ang mga Pilipino’y lulong na sa sistemang tila isang siklo na pinapaikot tayo at sirkus na ginagawang katatawanan na lamang lalo na sa mundo ng politika.


Ikalawa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), karaniwang 20 na bagyo ang pumapasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) bawat taon. Sa bilang na ito, humigit-kumulang walo hanggang siyam ang tumatawid sa bansa bilang mga bagyo. Isa ito sa mga rason ng masidhing paghahanda ng mga Pilipino bago pa man tuluyang magparamdam ang kalamidad. Bagaman may mga isinasagawang programa upang mapaghandaan ang sakuna, naglalabas ang pamahalaan ng mga babala hinggil sa posibleng epekto nito at nagbibigay ng mga paalala sa dapat gawin sa oras ng panganib, may mga Pilipino pa ring kumakapit sa katagang “Baha lang iyan.” Isang mentalidad na nagpapakita ng katatagan sa gitna ng delubyo, ngunit para sa akin, tila isa rin itong maskarang nagkukubli sa tunay na saloobin—hindi upang kaawaan kundi dahil naging bahagi na ito ng kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.


Ikatlo, inaasahang lalampas sa 67 milyon ang rehistradong botante noong 2025 na siyang pinakahuling update bilang paghahanda sa 2028 midterm elections. Bilang kabataan, nararapat lamang na ang bawat Pilipino ay aktibong makilahok at makialam sa mga kaganapan sa bansa lalo na sa pagpili ng mga pinunong mamamahala. Tunay na napakaraming isyu ang laganap sa Pilipinas, kanya-kanyang pagbaling sa kung nasaan ang mata ng masa. Mayroong sumusuporta sa kanilang paboritong atleta gayundin sa kandidata sa mga lokal at pangkalawakang pageants, at pakikinig sa mga sikat na vloggers at social media influencers. Hindi ko masisisi ang mga taong todo suporta sa kanilang mga idolo ngunit sana kung gaano karaming tumatangkilik sa vlog, pageants, at iba pa ay sana ganoon din karami ang mga Pilipino na may pakialam sa Pilipinas. 


Iba-iba ang personalidad ng mga Pilipino, hindi magkakapareho ng pananaw, at estado sa pamumuhay kaya mayroon tayong kanya-kanyang paraan upang malagpasan ang mga hamon, pero dapat bumalik tayo sa pinakaugat ng mga problemang unti-unting binabaon tayo sa hukay. Panahon na para kalampagin ang mga mamamayang patuloy na nagbubulag-bulagan. Hindi ka nilikha para makuntento sa pinakamababang pamantayan, isinilang ka upang itulak ang hangganan ng kung ano ang nararapat. May karapatan kang maghangad ng isang mas maayos na kinabukasan.


Para sa mga namumuno sa bansa at lokal na gobyerno, nawa’y hindi ninyo abusuhin ang katatagan na mayroon ang mga Pilipino. Maging matapat, matibay, at may pananagutan sana ang bawat isa sa inyo sa lahat ng mga proyektong inyong gagawin. Hindi ninyo pag-aari ang kapangyarihang hawak ninyo. Ang posisyon na inyong tinatamasa ay hindi pribilehiyong personal, kundi tiwalang ipinagkaloob ng mamamayan. Kaya sa bawat desisyon, pakinggan ang tinig ng taumbayan, sapagkat kami ang nagluklok sa inyo at kami rin ang may karapatang maningil ng pananagutan.


Sa huli, ang paulit-ulit na pagbangon mula sa parehong suliranin ay hindi dapat maging sukatan ng katatagan ng mga Pilipino. Hindi tayo sa mentalidad na “Kaya pa ba nating bumangon?” kundi sa, “Hanggang kailan natin hahayaang paulit-ulit tayong ilubog bago tayo kumilos?” Ang katatagan, kapag sumobra, ay hindi na birtud kundi isang kapansanan ng lipunan. Dahil kung mataas ang pamantayan mo sa pagpili ng taong makakasama mo sa buhay, dapat ganoon din kataas ang pamantayan mo sa pagpili ng pinuno na huhubog sa kinabukasan ng bansa. 


Tandaan mo, ang lunas sa nakalalasong katatagan ay ang paniniwalang karapat-dapat tayo sa higit pa. 

Comments (0)

Log in to post a comment.

No comments yet. Be the first to comment!


Latest Articles

MOST READ ARTICLES
WHERE THE FLOOD MONEY GOES August 21, 2026 By The Students' Herald
Millions down the drain August 23, 2026 By Bea Andrea Jimenez
ALL ROADS LEAD BACK TO FLOODING August 22, 2026 By Adriane Paul Galvez Soriano
Bayan o sarili, pumili ka! August 02, 2026 By Bea Andrea Jimenez
CROPPED LIVES AND CROPS BY CROC August 24, 2026 By Michaela C. Quinto
VIVA PHINMA: UPang welcomes Flames Community to new Academic Year July 12, 2026 By Clarenz Magalong
Footer

Tell Us What You Think

We’d love to hear your thoughts, feedback, or suggestions.