“Oh, I see,” May Second-Class Citizens na pala sa Konseho?

“Oh, I see,” May Second-Class Citizens na pala sa Konseho?

Star Save
Nagulantang ang karamihan sa mga Student Leaders ng PHINMA University of Pangasinan (UPang) nang ilabas ng Appointments, Performance Evaluation and Electoral Commission (APEC) ang Resolution no. 002 s. of 2026-2027 na obligadong lagyan ng pulang bandila ang titulong Officer-in-Charge o OIC bago ang opisyal na posisyon ng mga appointed student leaders. Bilang isang mag-aaral na nagmamasid sa takbo ng konseho, mariin kong tinututulan ang patakarang ito dahil harap-harapan nitong minamaliit ang dignidad ng mga itinalagang opisyal sa halip na patatagin ang mga kasalukuyang batas na gagabay sa kanila. Ang resolusyong ito ay hindi tunay na transparency kundi isang administrative segregation na magpapababa sa moral ng mga lider, magdudulot ng hindi kinakailangang pagkakabaha-bahagi, at lalong maglalayo sa interes ng mga estudyante na magsilbi sa pamantasan.

Una sa lahat, ang sapilitang pagbansag ng titulong OIC ay isang malaking sampal sa moral ng mga student leaders na nagmalasakit na punan ang mga bakanteng posisyon sa konseho. Batay sa aking obserbasyon sa loob ng Supreme Student Council (SSC) at Local Student Councils (LSCs), parehong puyat, pagod, at personal na sakripisyo ang ibinubuhos ng bawat opisyal upang maitaguyod ang mga proyekto ng institusyon, inihalal man sila o itinalaga. Ngunit pagdating sa mga opisyal na pubmat, sertipiko, at pirmahan, tila ba nagkakaroon ng hidwaan dahil ang isa ay OIC lamang, isang bansag na nagpapamukha na ang kanilang dedikasyon ay panakip lamang sa butas at walang kaparehong bigat ng pagkilala.

Pangalawa, ang hakbang na ito ng APEC ay lumilikha ng isang artipisyal na "Caste System" na naghahati sa hanay ng mga student leaders na may iisang layunin naman. Ang kapangyarihan at obligasyon ng isang posisyon ay hindi nababawasan dahil lamang ang isang lider ay hindi dumaan sa eleksyon, lalo pa’t ang appointment ay kadalasang bunga ng katotohanang walang gustong tumakbo sa simula pa lang dahil sa bigat ng responsibilidad. Sa pagpilit na lagyan ng diskriminasyon ang kanilang mga titulo, winawasak ng komisyon ang pagkakaisa ng mga konseho at nagpapakita ng maling mensahe na may mas mataas at mas mababang uri ng paglilingkod sa loob ng institusyon.
Pangatlo, nakamamangha kung saan hinuhugot ng komisyon ang kanilang lakas at oras para unahin ang usaping ito sa gitna ng mas malalaking krisis na kinakaharap ng bawat mag-aaral ngayon. Sa kasalukuyan, marami tayong mabibigat na isyung dapat tugunan tulad ng mga pasanin sa akademiko, kakulangan sa suporta para sa mga student programs, at ang kapansin-pansing lumalamig na interes ng kabataan na makilahok sa student politics. Sa halip na mag-isip ang APEC ng mga programang hihikayat sa mga estudyante na maglingkod, ang naging pangunahing prayoridad pa nila ay ang burukratikong "pa-label" na wala namang direktang ambag sa kapakanan ng mga estudyante.

Maaaring ikatwiran ng APEC na ang pagpapatupad ng Resolution no. 002 ay para sa layuning transparency at upang maiwasan ang kalituhan ng publiko sa pagitan ng inihalal at itinalagang opisyal. Bagama't may punto ang pagnanais na maging malinaw ang mga proseso, ang katotohanan sa ibaba ay malayo sa kanilang teorya dahil sa reyalidad ay walang estudyanteng nalilito. Kapag ang isang mag-aaral ng PHINMA UPang ay lumapit sa opisina ng SSC o LSC upang humingi ng tulong sa isang proyekto o maghain ng hinaing, hindi kailanman naging kwalipikasyon kung ang student leader ba ay inihalal o itinalaga. Walang pakialam ang mga estudyante kung ang humaharap sa kanila ay binoto o itinalaga; ang tanging mahalaga sa mga estudyante ay kung may sumasagot ba sa kanilang mga sentimyento at kung may tunay na serbisyong nagaganap.
Sa kabuuan, ang tunay na sukatan ng isang lider ay wala sa kung paano niya nakuha ang puwesto sa pamamagitan ng balota, kundi sa kung ano ang kaniyang ginagawa habang nakaupo rito upang makapaglingkod. Ang paglilingkod ay paglilingkod, hinalal man o itinalaga, at ang pagpupumilit sa titulong OIC ay isang hakbang pabalik sa isang di-epektibong student governance.

APEC, oh, I see your point, pero sana ay makita niyo rin na ang kredibilidad ng pamumuno ay nasusukat sa lalim ng serbisyo, hindi sa arte ng titulo. Huwag nating hintayin na tuluyan nang mawalan ng ganang magsilbi ang mga estudyante dahil lamang sa mga burukratikong sagabal na nagtuturing sa kanilang mga sakripisyo bilang panakip lamang sa butas.

Comments (0)

Log in to post a comment.

No comments yet. Be the first to comment!


Latest Articles

MOST READ ARTICLES
WHERE THE FLOOD MONEY GOES August 21, 2026 By The Students' Herald
Millions down the drain August 23, 2026 By Bea Andrea Jimenez
ALL ROADS LEAD BACK TO FLOODING August 22, 2026 By Adriane Paul Galvez Soriano
Bayan o sarili, pumili ka! August 02, 2026 By Bea Andrea Jimenez
CROPPED LIVES AND CROPS BY CROC August 24, 2026 By Michaela C. Quinto
VIVA PHINMA: UPang welcomes Flames Community to new Academic Year July 12, 2026 By Clarenz Magalong
Footer

Tell Us What You Think

We’d love to hear your thoughts, feedback, or suggestions.