“𝗔𝗻𝗴 𝗽𝗶𝗻𝗮𝗸𝗮𝗺𝗮𝗯𝗶𝗴𝗮𝘁 𝗽𝗮𝗿𝗮 𝘀𝗮 𝗺𝗴𝗮 𝗯𝗮𝗸𝗹𝗮 𝗮𝘆 𝗵𝗶𝗻𝗱𝗶 𝗮𝗻𝗴 𝗸𝗿𝘂𝘀 𝗼 𝗮𝗻𝗴 𝗸𝗮𝗻𝗶𝘆𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗴𝗸𝗮𝘁𝗮𝗼—𝗸𝘂𝗻𝗱𝗶 𝗮𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝘁𝗮𝗼𝗻𝗴 𝗴𝘂𝗺𝗮𝗴𝗮𝗺𝗶𝘁 𝗻𝗴 𝗸𝗿𝘂𝘀 𝘂𝗽𝗮𝗻𝗴 𝘀𝗶𝘆𝗮’𝘆 𝗶𝗽𝗮𝗸𝗼.”
Sa harap ng krus ako’y napatitig,
May dasal sa labi ngunit pusong nanliligalig.
Sabi nila’y pag-ibig ang Iyong pangalan,
Ngunit bakit ako’y tila wala sa Iyong tahanan?
Lumaki akong kabisado ang bawat panalangin,
Bawat awit ng simbahan, bawat aral na taimtim.
Ngunit nang ang sarili ko’y aking ipinakita,
Biglang nagbago ang tingin ng madla.
May mga matang tila kandilang pula,
Nagliliyab sa galit tuwing ako’y nakikita.
Bawat kilos ko’y ginawang usapin,
Bawat salita ko’y may kasamang husgang taimtim.
Nang ako’y umibig, ako’y itinuro,
Parang salot na dapat itago.
Ang damdaming kay dalisay sa aking puso,
Naging kasalanang hindi ko maunawaan kung totoo.
Sa bawat sermon tungkol sa awa,
Lalo kong dama ang aking pag-iisa.
Sa bawat talata tungkol sa pag-ibig,
Ako ang laging hindi maisama sa awit.
Kaya gabi-gabi sa harap ng krus,
Ako’y lumuluhod habang luha’y bumubuhos.
Hindi upang humingi ng ibang pagkatao,
Kundi maintindihan kung bakit ako’y ganito.
Kung ako’y likha Mo, bakit ako’y kinamumuhian?
Kung ako’y mahal Mo, bakit ako’y hinahatulan?
Bakit sa ngalan ng pananampalataya,
May mga pusong marunong manghusga?
At habang tahimik ang buong kapilya,
Tanging hikbi ko ang aking kasama.
Isang bakla sa harap ng krus,
Hindi naghahanap ng himala o gintong lunas—
Kundi isang mundong marunong tumingin,
Hindi sa kung sino ang aking iibigin,
Kundi sa pusong marunong ding masaktan,
At kaluluwang naghahangad lamang na matanggap at mahalin
Comments (0)
Log in to post a comment.
No comments yet. Be the first to comment!
Edit Comment